artwork by patriciasoliani

Wednesday, July 11, 2012

Salamat Dolphy (1928-2012)



Kahit ngayong kabi-kabila na ang pag-alala at pakikisimpatiya ng lahat ng Pinoy saan man sa mundo sa pagkawala ni Mang Dolphy, pakiramdam ko kelangan ko ring makapagsulat ng kahit munting tribute para sa kanya. Ewan ko ba..hindi naman ako kaano-ano, ni hindi naman kakilala pero kagaya ng karamihan sa atin, bahagi ng aking kabataan si Dolphy...may isang bahagi sa sarili ko na nalungkot..nakakalungkot naman talaga yung mabalitaan na wala na yung isang kakilala, yun bang para akong namatayan ng malapit na kamag-anak. At bakit naman hindi..sa ilang taon rin namang kasa-kasama natin sa ating mga tahanan si Dolphy..sa telebisyon..sa sine..

Naalala ko pa dati nung bata pa ako, wala pa kaming TV, ni wala pa ngang kuryente sa barangay namin pero kilala ko na si Dolphy. Halos laking sinehan ako. Ninong sa kasal nina Tatay yung may-ari ng dati'y nag-iisang sinehan sa bayan namin. Makinista pa sa naturang sinehan ang isang kapatid ni Tatay. Tindera naman ng kakanin ang Lola ko-buchi, kamote cue. Madalas nilalako nya ito sa oras ng sine at madalas kapag nakahabilin ako kay lola, kasa-kasama rin nya ako paglalako.Nakakabisado ko na nga ang palabas, sa araw-gabi ba naman halos na labas-masok ako sa sinehan ..lalo na kung Tagalog ang palabas. ..Nino Muhlach. FPJ. Lito Lapid. at syempre Dolphy. Kahit ulit-ulitin,ayos lang.

Isa naman sa kinakasabikan ko pag napapaluwas ng maynila ay ang makapanood ng TV sa bahay ng mga tiyahin ko. Kapanahunan ng Channel 13 at 9 noon, kasikatan yan ng EAT Bulaga, Iskul Bukol, TODAS at siempre John en Marsha..sino bang hindi nakakaalala sa pinakakagiliwang pamilya sa telebisyon..ang mag-asawang si John Puruntong at Marsha, ang matinis na boses ni Matutina at ang walang kamatayang linya ni Donya Delilah.."Kaya John..magsumikap ka"..

Grade 5 na yata ako ng magkakuryente sa lugar namin. Siempre isa sa mga sinadyang maipundar nina Tatay ang TV. Black and white na de-pihit ang channel at laminated wood ang katawan. Wala pang cable noon kaya antenna lang sa bubong na madalas mawala ang signal lalo na kung umuulan at mahangin. Pero ayos lang. Ang importante sa amin noon, may TV na kami. Makakapanood na ng mga paborito naming palabas. Makakapanood na ng John en Marsha.Ilang taon pa bago kami naka-afford ng Colored TV. Wala ng John en Marsha pero may Home Along Da Riles na. Wala na si John pero ganun pa rin ang sayang dala ng pamilya ni Mang Kevin (Dolphy), ni Aling Ason (Nova Villa) at ni Richie (played by Babalu). Walang kupas.

Iba talaga ang karisma ng isang Dolphy. Palibhasa puro ordinaryong tao ang kinatawan nya sa mga naging palabas kaya masang-masa talaga ang dating. May nakikita ang bawat nanonood na bahagi ng pagkatao nila sa kanya, sa bawat eksena, sa bawat sitwasyon. Sinalamin nya ang tipikal na Pilipino na may prinsipyo, masayahin, may respeto at pagmamahal sa pamilya...Masayahin daw kasi ang mga Pilipino, laging tumatawa, laging nakangiti kahit sa harap ng mga pagsubok. Kaya naman hindi nakakapagtakang minahal at pinatuloy natin sa ating mga tahanan ang isang Dolphy..At lalong hindi rin nakakapagtakang ganito na lamang ang pagsimpatiyang pinadarama ng sambayanan sa kanyang pagkawala..

Gayunpa man, mawala man ang isang Hari ng Komedya, alam ko na hindi mawawala ang kanyang alaala..Malalim ang iniwan niyang puwang hindi lamang sa industriya ng Pelikulang Pilipino, kundi sa lipunan at kasaysayan. Marami pang magagaling na komedyante, marami pang susunod, marami pang magpapatawa.. Pero hindi na siguro mapapantayan ang kanyang mga naiambag sa ating kultura. Hindi sapat ang pagkilala at parangal pero alam ko na alam nya, walang makakapantay na tropeo at medalya sa pagmamahal at respetong ibinibigay sa kanya ngayon ng sambayanan..Mawala man ang Hari ng Komedya, mananatili ang ngiti at saya sa bawat tahanang Pilipino dala ng alala ng isang Dolphy.

Hindi man ako kapamilya o kakilala, pero para sa yo Mang Dolphy, maraming salamat po mga tawa at sayang naidulot ninyo sa amin..Masaya na siguro kayo ngayon...may reunion sa langit si John at Marsha pati si Donya Delilah. Kasama pa si Richie. si Panchito. si Chiquito. si FPJ. at iba pa. Masaya ang all-stars na sitcom sa langit.

No comments: